TUGUEGARAO CITY- Humigit-kumulang sa P20.6 milyon ang halaga ng mga marijuana bricks at tubular ang narekober ng mga otoridad Sitio Iyukan, Mallango, Tinglayan, Kalinga.
Ayon sa Kalinga Police Provincial Office, nakatanggap sila ng tawag kaugnay sa hinihinalang pagbiyahe ng marijuana mula sa Tinglayan patungong Tabuk City kung saan agad inilatag ang checkpoints at mobile patrol sa lahat ng mga major roads.
Kaugnay nito ay natagpuan ng kapulisan sa national highway ang nasa 158 piraso ng dried marijuana bricks at 14 na piraso ng tubular na nakasilid sa limang sako na tumitimbang sa humigit kumulang na 172 kilograms.
Ayon kay PCOL PETER TAGTAG, JR, Acting Provincial Director-Kalinga Police Provincial Office, hindi pa natutukoy ang mga may-ari ng iligal na droga at posibleng inabandona na lamang ang droga dahil sa presensya ng mga otoridad sa inilatag na checkpoints, maging ang Comelec checkpoints.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng follow up investigation ang mga operatiba para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.