
Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P25 million na halaga ng ketamine sa airport interdiction operation sa isang bodega sa loob ng Clark Freeport Zone noong Miyerkules.
Ang parcel, na naglalaman ng limang kilo ng ketamine – isang regulated party drug, ay idineklara na shipment ng “Data Cable Roll” at galing sa Lier, Belgium.
Dumating ang parcel noong July 24.
Ang shipment ay naka-address sa isang residente ng Rodriguez, Rizal.
Pagdating ng shipment, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad para tukuyin at masuri ang kahina-hinalang cargo.
Bagamat walang suspek na nahuli sa lugar, nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga sangkot sa smuggling operation.
Inaalam din nila ang posibleng persons of interest at maging ang mga sindikato na nasa likod ng illegal shipment.
Ang ketamine ay isang dissociative sedative na ginagamit bilang anesthethic o pampamanhid bago ang operasyon o ilang mga procedures na hindi nangangailangan ng skeletal muscle relaxation.