Nasabat ng mga otoridad ang humigit kumulang P28 million na halaga ng hinihinalang Marijuana at isang granada sa isang checkpoint sa bayan ng Roxas, Isabela.

Batay sa report ng Police Regional Office 2, nangyari ang insidente bandang alas-dyes y medya ng gabi ng Enero 14 kung saan tinangkang iwasan ng rumaragasang itim na SUV ang nakapakat na checkpoint na nagresulta sa pagkakasabit nito sa Patrol Car ng PNP.

Dahil dito, agad na nagsagawa ang PNP Roxas ng hot-pursuit operation at nakipag-ugnayan sa mga malalapit na himpilan ng pulisya upang mahuli ang nasabing sasakyan.

Ayon pa sa PNP, tumagal ng dalawang oras ang habulan bago nakorner sa Brgy. Centro, Mallig, Isabela ang dalawang suspek na lulan sa SUV na kinilalang sina alyas “Jomel” at alyas “Rico”, kapwa 30 taong gulang at residente ng Baranka Ilaya, Mandaluyong City.

Tumambad sa kapulisan ang 222 na mga bloke ng hinihinalang Marijuana na umabot sa P26,640,000.00 ang tinatayang halaga, 19 na piraso ng rolled Marijuana na nagkakahalaga ng Php2,280 000.00 at isang granada nang halughugin ang loob ng sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Roxas ang mga pinaghihinalaan at ang mga nakumpiskang kontrabando para sa mga kaukulang proseso ng pagsasampa ng kaso.

Kaugnay nito, pinuri ni PBGen Antonio Marallag, Jr, regional director ng Police Regional Office 2 ang mga kapulisan na nasa likod ng matagumpay na operasyon.

Binigyang-diin ni Marallag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga checkpoints sa bawat sulok ng Lambak ng Cagayan sa pagsugpo ng kriminalidad at pagdakip sa mga lumalabag sa batas.