Hinuli ang isang ginang ng jail officers kahapon matapos ang tangkang pagpuslit ng illegal drugs sa isinagawang routine search habang binibisita ang kanyang nakakulong na asawa sa Caloocan City Jail.
Habang kinakapkapan ang ginang, 39-anyos, may napansin ang jail officers na umbok sa kanyang singit kaya naghinala ang mga ito.
Napansin din ng jail officers na balisa ang ginang matapos siyang sabihan na magsasagawa muna sila ng body search bago sila papasukin sa kulungan.
Nadiskubre ng mga jail officers ang mga kontrabando sa kanyang singit.
Nakuha nila sa ginang ang sachet na naglalaman ng tinatayang 45 grams ng pinahihinalaang shabu at dalawang sachets ng pinatuyong marijuana.
Ang halaga ng mga pinaghihinalaang iligal na droga ay tinatayang P310,000.
Ayon kay Caloocan City Jail Warden Jail Superintendent Ellen Barrios, sinabi ng ginang na tinangka niya ang pagpuslit ng mga droga dahil sa pangangailangan.
Ayon sa ginang, wala pa siyang nakakausap sa loob ng kulungan; subalit kung maipapasok niya ang mga droga ay plano niyang ialok at ibenta sa loob.
Nabatid na regular na bisita ang ginang sa pasilidad, kung saan madalas na binibisita ang kanyang asawa na nakakulong dahil sa kasong pagpatay.
Sinabi ni Barrios na gagamitin umano ng ginang ang kikitain sana sa pagbebenta ng droga sa pagpapatayo ng kanilang bahay.
Sa ngayon, pansamantalang nakakulong ang ginang sa Caloocan City Jail at nakatakdang ilipat sa female dormitory sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Malabon City.