Asahan ang big-time hike sa presyo ng langis sa susunod na linggo sa gitna ng giyera sa pagitan ng Israel at Iran, na inaasahan na magkakaroon ng malaking impact sa oil industry.
Ang tinatayang price adjustments sa gasolina ay P2.50 hanggang P3.00, diesel ay mula P4.30 hanggang P4.80, at sa kerosene ay mula P4.25 hanggang 4.40
Ang pagtaya ay mula kay Department Energy of Energy-Oil Industry Management Bureau, Assistant Director Rodela Romero, kung saan base ito sa apat na araw na trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
Sinabi ni Romero na ang pinakamalaking factor para sa posibleng pagtaas ay bunsod ng lumalalang labanan sa pagitan ng Israel at Iran na nagiging banta sa critical global shipping passage.
Ayon kay Romero, maisasara ang Strait of Hormuz kung lalo pang titindi ang nasabing kaguluhan, na ibig sabihin hindi makakalabas ang langis mula sa sources.
Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan na nila ang muling pagbibigay ng fuel subsidies sa mga drivers na higit na maaapektohan ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Matatandaan na unang ipinatupad ang pagbibigay ng fuel subsidies noong panahon ng Covid-19 pandemic.
Iaanunsiyo ng mga oil companies ang official price adjustments tuwing Lunes na ipinapatupad naman sa araw ng Martes.