Nagsagawa ng sunod-sunod na operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga pekeng produkto at iligal na bentahan ng sigarilyo sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa utos ni PNP Chief PGen Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang kampanya laban sa krimen at iligal na mga aktibidad.
Ayon kay CIDG Director PMGEN Nicolas Torre III, mula May 1 hanggang May 4, 2025, nasa kabuuang ₱41.8 million na halaga ng hinihinalang pekeng, substandard at smuggled na sigarilyo ang nasabat sa mga operasyon sa Bataan, Maynila, Davao del Sur, at Sarangani Province.
Nahuli naman ang 10 suspek sa mga nasabing operasyon.
Ang mga nahuli ay nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code, National Internal Revenue Code at Customs Modernization and Tariff Act.