TUGUEGARAO CITY- Nasa custody ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang dating military officer at ngayon ay isang negosyante na nahulian ng mahigit sa P430,000 na halaga ng shabu kaninang madaling araw sa Solana, Cagayan.
Batay sa Report ng PDEA, agad silang nagsagawa ng operasyon kasama ang PNP matapos na makakuha ng impormasyon na may isang kotse na mula sa Manila na may lulang illegal drugs.
Nang makita ang kotse sa Brgy. Maddarulug ay agad na nagsagawa ng inspeksion ang PDEA k9 unit kung saan nakita ang umano’y shabu sa sasakyan ni Ricardo Cabalza ng San Gabriel, Tuguegarao City.
Sinabi naman ni PCAPT Junjun Balisi, hepe ng PNP Solana na nakuha sa ilalim ng upuan sa front seat ng kotse ang umano’y shabu na nakalagay sa isang plastic bag.
Ayon kay Balisi, dadalhin umano ni Cabalza ang nasabing droga sa Baggao, Cagayan.
Nabatid pa mula sa opisyal na nagsilbi umano sa Philippine Army si Cabalza sa loob ng 10 taon.