Nasabat ng mga awtoridad ang nasa 89 kilos ng pinaghihinalaang shabu sa Zamboanga City kahapon ng umaga sa isinagawang entrapment operation.
Ang nasabing kontrabando, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P605 million ang pinakamalaking huli ng shabu ng mga awtoridad sa Zamboanga City.
Matatandaan na nitong nakalipas na dalawang linggo, may nasabat din ang mga awtoridad sa Zamboanga City na nasa 67 kilos ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng nasa P455 million.
Sinabi ni Brig. Gen. Eleazar Matta, director of the Police Regional Office in the Zamboanga Peninsula, nakuha sa tatlong suspek ang pinakahuling nasabat na shabu na kinilala na sina Wang Yu, 53, ng Isabela City sa Basilan; John, 27, ng Barangay Suterville, Zamboanga City; at Addil, 41, ng Barangay Mariki, Zamboanga City.
Sinabi ni Matta na ang nasabing droga ay inilagay sa Chinese tea bags at itinago sa loob ng apat na ice chests.
Samantala, nasabat din ng mga awtoridad ang nasa P75 million na halaga ng shabu sa operasyon na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng Clark Freeport.
Batay sa pahayag ng PDEA, nahuli sa nasabing operasyon ang dalawang suspek na edad 52 at 54 noong hapon ng Sabado habang hinihintay na matanggap ang package na naglalaman ng nasa 11 kilograms ng shabu sa Port of Clark.
Napag-alaman na idineklara ang package na industrial water chiller, na dumating noong August 26 mula Mexico at nakapangalan sa isang tao sa Cainta, Rizal.
Sa imbestigasyon, ang isa sa mga suspek ay mula sa Cebu, habang ang isa pa ay mula sa Tarlac.
Ayon sa PDEA, mahaharap ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tumulong sa nasabing operasyon ang National Bureau of Investigation at iba’t ibang units ng Philippine National Police.
Pinapurihan naman ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang maayos na collaboration ng law enforcement at border control agencies sa nasabing matagumpay na operasyon laban sa tangkang smuggling ng iligal na droga.