
Hinuli ang dalawang lalaki matapos na madiskubre sa kanilang container van ang 270 na karton ng mga sigarilo na nagkakahalaga ng nasa P6.4 million sa checkpoint sa Dalton, Nueva Vizcaya kagabi.
Sinabi ni Police Lieutenant Flordeliz Agbayani, deputy chief of police ng Santa Fe PNP, inabangan ng mga pulis sa checkpoint sa Dalton ang container van matapos na magbigay sa kanilang tip na may dala itong kontrabando.
Ayon kay Agbayani, hinabol ng mga pulis ang van matapos na hinti ito tumigil sa checkpoint.
Nang hanapan ang driver at pahinante ng dokumento ang lulan ng kanilang van, ang nakalagay sa delivery receipt ay dry goods.
Subalit, duda ang pulis kaya pinabuksan ang van, at tumambad sa kanila ang maraming kahon at nang buksan ay naglalaman ang mga ito ng mga sigarilyo.
Sinabi ni Agbayani na galing ang van sa Pasay City, at pupunta sana sa Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Agbayani, sinabi ng dalawang suspek na hindi nila alam ang laman ng kanilang sasakyan dahil sa inuupahan lamang umano sila.
Isinailalim na sa inquest proceedings kanina ang dalawa dahil sa pagpupuslit ng mga sigarilyo at paglabag sa Tax Law.










