Nasa mahigit P700,000 halaga ng marijuana ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency at PNP sa magkasunod na operasyon sa lambak ng Cagayan.

Sinabi ni Louella Tomas, tagapagsalita ng PDEA RO2 na nahuli ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO2 at Cordillera, katuwang ang PNP Isabela at Kalinga sa isang hotel sa Roxas, Isabela ang magkasintahang sina Rusty Jay Mariano, Luzielle Tinaza, kapwa 32-anyos at Adrian Pagarigan, 19-anyos, pawang mga residente sa Quezon City, Manila.

Nasamsam mula sa tatlong suspek ang tinatayang 20 gramo ng dried marijuana stalks, 5 bricks ng dried marijuana leaves na tinatayang nagkakahalaga ng P600,000 na galing sa Tinglayan, Kalinga at isang gramo ng shabu.

Ayon kay Tomas na matagal nang minamanmanan ng PDEA si Mariano na pumupunta sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga bilang isang turista.

Nagpositibo naman sa paggamit ng shabu sina Mariano at Paguirigan na nasa kustodiya ngayon ng PDEA-RO2, kasama si Tinaza kung saan nahaharap ang mga ito sa pag-iingat at paggamit ng iligal na droga.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, nahulihan ng 1.1 kilogram ng marijuana na nagkakahalaga ng P132,000 ang magkasintahan sa Bayombong, Nueva Vizcaya nitong Mierkules

Inaalam pa ng PDEA kung may kaugnayan ang mga nahuling suspek sa mga naunang nakumpiskahan ng marijuana sa Kalinga.