Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehenssive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang security at isang electrician na itinuturing na High Value Target Individuals matapos masamsaman ng higit P700k na halaga ng droga sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Bangan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCAPT Manny Paul Pawid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, nagkasa ng operasyon laban sa dalawang suspek na kapwa mula sa kalakhang maynila ang mga otoridad matapos mapag-alaman at manmanan ang iligal nilang gawain.
Una sanang isasagawa ang transaction sa Cagayan ngunit hindi aniya pumayag ang poseur buyer kayat ito ay isinagawa sa Nueva Vizcaya kung saan nahuli ang dalawa at nakuha sa kanila ang 110 grams ng hinihinalang shabu.
dinala na rin sa crime laboratory ang mga nakumpiskang shabu para sa kaukulang pagsusuri.
Sinabi ni Pawid na ito ang unang beses na nagbenta sa rehiyon ang dalawang suspek at sa ngayon ay inaalam nila kung may kinabibilangan silang grupo na maaaring nagsusupply din ng iligal na droga sa lambak Cagayan.