Tinatayang nasa mahigit P91K ang halaga ng inabandonang mga nilagaring Narra ang narekober ng pulisya sa Tuao, Cagayan
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Jenifer Calauad ng PNP Tuao, mayroong tumawag sa kanilang himpilan na concerned citizen tungkol sa mga inabandonang nilagaring kahoy sa isang bakanteng lote sa sementeryo ng Brgy Cato.
Tumambad sa mga rumespondeng pulis ang nasa 45 piraso o 1,139 boardfeet ng mga nilagaring narra sa naturang lugar.
Sa ngayon ay hindi pa malaman kung kanino ang mga inabandonang iligal na pinutol na kahoy na dinala na sa tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office.
Samantala, nahaharap naman ngayon sa kasong paglabag sa PD 705 o Anti-Illegal Logging ang isang magsasaka matapos mahuli sa pagpupuslit ng illegal na kahoy sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Nakilala ang suspek na si Michael Corpuz, 29-anyos, residente ng Brgy PiƱa Este sa bayang nabanggit.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Norly Gamal, hepe ng PNP-Gattaran na naaktuhan ng pulisya ang paghahakot ng suspek ng mga nilagareng kahoy at nang hanapan ng kaukulang dokumento ay wala itong maiprisinta.
Nakumpiska ng mga pulis ang 8 piraso ng nilagareng kahoy na aabot sa 267 boardfeet o tinatayang nagkakahalaga ng P10,500.
Katwiran naman ng suspek, gagamitin lamang sana niya ang mga pinutol na kahoy para sa gagawing bahay.