Tinatayang aabot sa sa ₱166.6 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na natagpuan sa baybayin ng Barangay Chanarian sa Basco, Batanes noong Hunyo 19, 2025.
Ayon kay Regional Director Charlene Magdurulang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, isang mangingisda mula sa naturang barangay ang nakadiskubre ng isang sako na naglalaman ng 24 vacuum-sealed packs at isang partially opened pack na may label na “DAGUANYING,” pawang may lamang puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu.
Sa salaysay ng mangingisda, iniwan niya muna ang sako sa dalampasigan dahil sa takot, ngunit matapos ang apat na araw at walang balitang nakakita nito, binalikan niya ito at ipinagbighay-alam sa kapitan ng barangay.
Matagumpay itong nai-turnover sa Basco Police Station noong Hunyo 25, 2025 bandang 3:50 ng hapon.
Tinatayang nasa 24.5 kilo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang substansiya.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ito ng PDEA Batanes Provincial Office habang inaantay ang mga kinakailangang dokumento upang mailipat ito sa national headquarters para sa pormal na pagsusuri at agarang pagsira.
Samantala, noong June 25, 2025, matagumpay na naipasama sa destruction of drugs sa national headquarters sa Tarlac, na sinaksihan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang kabuuang 60.663 kg. ng shabu at 410 ml na liquified shabu, na narekober sa bayan ng Sta. Praxedes, Claveria, Gonzaga, at Sta. Ana.
Kabilang din dito ang 2.672 kg cocaine na narekober sa bayan ng Calayan noong May 10, 2025, at 446g dried leaves marijuana na nakuha sa Tinglayan, Kalinga.