
Ipinatupad ng pamahalaan ang bagong patakaran na naglalayong limitahan ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo kasunod ng deklarasyon ng national energy emergency.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hindi direktang kokontrolin ng gobyerno ang eksaktong presyo ng langis. Sa halip, magtatakda ito ng hangganan kung gaano kalaki ang maaaring itaas o ibaba ng presyo ng mga oil company.
Sa ilalim ng patakaran, obligadong sumunod ang mga kumpanya sa itinakdang minimum na rollback at maximum na price increase. Ibig sabihin, kung may ibinabang presyo ang DOE, kailangang pantayan o higitan ito ng mga kumpanya. Kung may taas-presyo naman, hindi ito maaaring lumampas sa itinakdang cap ng ahensya.
Binigyang-diin ni Sharon Garin na kailangang sundin ng lahat ng oil companies ang mga itinakdang adjustment. Halimbawa, kung P24.94 ang rollback sa diesel, maaaring higitan ito ng mga kumpanya ngunit hindi maaaring kulangin sa itinakdang bawas. Sa kabilang banda, kung may price increase, hindi rin ito dapat sumobra sa itinakdang limitasyon.
Simula Abril 21, inaasahang bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo ng P24.94 kada litro sa diesel, P3.41 kada litro sa gasolina at P2.00 kada litro sa kerosene.
Inaasahan din ng pamahalaan na susunod ang lahat ng oil companies sa nasabing rollback upang maibsan ang epekto ng krisis sa mga mamimili.
Nauna nang nanawagan si Ferdinand Marcos Jr. sa mga kumpanya ng langis na agad at buong ipatupad ang rollback upang makapagbigay ng agarang ginhawa sa publiko.










