Tuguegarao City- Muling tiniyak ni Cagayan Governmor Manuel Mamba ang mahigpit na pagpapatupad ng mga minimum health standards sa mga umuuwing Locally Stranded Individuals (LSIs) sa Cagayan.
Sinabi ni Gov. Mamba na sa gitna ng pagtaas ng mga naitatalang kaso at bilang ng tinatamaan ng virus ay lalong kailangan ngayon ang ibayong pag-iingat at pagsunod sa mga alituntunin laban sa sakit.
Sa huling datos ng pamahalaang panlalawigan ay nasa 4,914 na mga LSIs ngayon ang minomonitor sa iba’t ibang mga isolation facilities sa Cagayan.
Ayon sa Gobernador, hindi dapat na maging kampante kung kaya’t kailangan pa ring maging mahigpit upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Muli pang umapela si Gov. Mamba sa mga LGUs kaugnay sa wastong paggamit ng Bayanihan Fund sa pamamagitan ng pagsasaayos sa mga pasilidad at pagbili ng mga kasangkapan sa paglaban sa COVID-19.