Magpapatupad ang bagong liderato ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mahigpit na parusa laban sa mga contractor na mapapatunayang sangkot sa ghost projects at substandard projects.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, awtomatikong blacklisted habambuhay ang mga ito sa pagkuha ng anumang proyekto ng gobyerno, kalakip ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Lahat ng impormasyon at ebidensiya kaugnay ng mga maanomalyang proyekto ay isusumite sa bubuuing independent commission ng Palasyo.
Ang commission ang magsasagawa ng imbestigasyon at maghahain ng kaso laban sa mga opisyal ng DPWH, mga contractor, at iba pang sangkot sa katiwalian.
Upang matiyak ang mabilis na aksyon, babaguhin din ng DPWH ang mga umiiral na proseso para alisin ang dagdag na hakbang na pumipigil sa agarang pag-aksyon laban sa mga contractor na nasa likod ng ghost project o may mababang kalidad.