Tuguegarao City- Patuloy ngayon ang ginagawang contact tracing ng mga otoridad sa posibleng mga nakasalamuha ng mga nagpositibong pasyente ng COVID-19 sa lalawigan ng Batanes.

Sa panayam kay Dr. Rio Magpantay, Director ng DOH Region 2, inaaral din ng Regional Inter-Agency Task Force ang ipatutupad na community quarantine matapos ang kahilingang isailalim sila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ)

Sinabi niya na batay sa pagsusuri, mula sa 86 na indibidwal na nakasalamuha ng mga pasyenteng nagpositobo sa virus ay 82 rito ang nagnegatibo sa virus.

Tanging ang mga nakasakay sa bangka na nakasalamuha ng pangalawang pasyente nalamang aniya ang tinutukoy pa.

Samantala, muli naman siyang umapela sa publiko na sundin ang mga panuntunang inilalatag upang mapigilan ang paglala ng local at community transmission.

-- ADVERTISEMENT --

Reaksyon ito ni Dr. Magpantay kasabay ng kautusan na muling isailalim ang Tuguegarao City sa MECQ.

Paliwanag nito, dahil na rin sa community transmission kung saan hindi na matukoy kung paano nahahawa ang ibang pasyente ay dapat na higpitan ang mga panuntunan laban sa virus.

Binigayang diin din nito ang kahalagahan na dapat ilagay sa tamang pasilidad ang mga pasyenteng asymptomatic, mild at severe ang kondisyon kasama na ang mga nakaclosed contact ng mga ito.

Ayon pa sa kanya, bagamat humuhupa na rin ang kaso ng natatamaan ng sakit sa Nueva Vizcaya ay hindi pa rin dapat na makampante at kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at kooperasyon.

Apela ni Dr. Magpantay sa publiko na sundin ang mga precautionary measures at iwasan ang paglabas ng bahay lalo na kung walang mahalagang pupuntahan para mapigilan ang pagkalat ng sakit.