Tinututukan ngayon ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2 ang kanilang monitoring sa supply at presyo ng mga karne ngayong holiday season.

Ayon kay Dr. Ronnie Ernst Duque, Director ng ahensya, nakatutok ang ahensya sa pagmomonitor sa mga pamilihan at mga supermarket sa rehiyon upang matiyak na nasusunod ang mga pamantayan sa pagbebenta ng karne at maging ang pagpapatupad ng tamang presyo sa mga ito.

Bagamat may bahagyang pagtaas aniya sa presyo ngayong holiday season ay normal lamang ito sa ngayon at hindi naman kataasan ang ipinapataw na dagdag presyo sa mga karne at frozen products.

Nakikipag-ugnayan din aniya ang ahensya sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon upang mapaigting ang pagsusuri sa kalidad at mga dokumento ng mga karne, frozen products at iba pang imported meat products na pumapasok sa rehiyon upang matiyak na ligtas ang mga ito.

Inihayag niya na naka alerto ngayon ang mga otoridad sa inilatag na quarantine checkpoints sa lahat ng entry and exit point sa probinsya para bantayan ang galaw ng mga pumapasok na live animals at mga produktong karne ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala si Duque sa publiko na dapat maging mapanuri sa pagbili ng mga karne upang makaiwas sa mga produkto na hindi na ligtas kainin tulad ng mga double dead, mga karneng may-amoy na at hindi na kaaya-aya ang kulay.