Pagbabayarin ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO) 1 ang mga motoristang makakabunggo o makakasabit ng poste at kable ng kuryente ng kooperatiba.

Sinabi ni Frances Obispo ng CAGELCO 1 na aabot sa P50,000 ang halaga ng isang poste ng kuryente, depende pa sa klase at mga accessories nito.

Inihayag ni Obispo na bagamat aksidente o hindi sinasadya ang mga pangyayari, responsibilidad ng bawat motorista ang pag-iingat sa pagmamaneho at huwag magmaneho kung nakainom ng nakalalasing na inumin.

Itoy matapos ang magkasunod na biglaang pagkawala ng suplay ng kuryente sa lungsod at kalapit na bayan na dulot ng pagbangga ng isang SUV sa poste ng kuryente sa Balzain Highway at pagsabit ng closed van sa kable ng kooperatiba sa may bahagi ng PeƱablanca.

Dagdag pa ni Obispo na makikipag-ugnayan ang kanilang kooperatiba sa mga ahensiya na nagpapatupad ng proyekto ng pamahalaan upang maiwasan ang nangyaring pagtagilid ng poste ng CAGELCO 1 sa Brgy Atulayan dahil sa paghuhukay sa ginagawang drainage.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag nito na bukod sa lugi ng kooperatiba ay ang perwisyong dulot pa nito sa mamamayan na mawawalan ng suplay ng kuryente.

Umapela naman ang CAGELCO 1 sa mga member consumer nang pang-unawa sa mga hindi inaasahang power interruption na wala sa kanilang kontrol.