Handa na ang apat na astronauts ng NASA para sa Artemis II, ang kauna-unahang crewed mission pabalik sa buwan matapos ang mahigit 50 taon.

Ilulunsad ang Orion crew capsule gamit ang Space Launch System rocket mula sa Kennedy Space Center sa Florida sa ngayong Miyerkules, April 1 para sa 10-araw na pag-ikot sa buwan at pabalik sa Earth.

Ang mission ay itinuturing na test flight, susuriin ang life-support systems, navigation, communications, at heat shield ng Orion, ngunit walang moon landing ang nakatakda.

Kabilang sa crew sina Commander Reid Wiseman, pilot Victor Glover, Christina Koch, at Canadian astronaut Jeremy Hansen.

Sa misyon, magiging unang Black astronaut si Glover at unang babaeng astronaut si Koch na lalapit sa buwan, habang si Hansen ang unang non-American na lalampas sa low Earth orbit.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang higit dalawang taong training, ipinahayag ng crew na handa na sila sa anumang sitwasyon.

Ayon sa NASA, ang matagumpay na mission na ito ay maghahanda sa susunod na moon landings sa 2028 at posibleng pagtatayo ng lunar base sa katimugang polo ng buwan.