
Posibleng muling maranasan ang malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan na dulot ng bagyong Ulysses noong 2020 kasunod ng unti-unting pagbaba ng tubig-ulan na dala ng supertyphoon Uwan mula sa upperstream at sierra madre.
Ayon kay Arnold Azucena ng Task Force Lingkod Cagayan, ang lalawigan ang sumasalo sa lahat ng tubig-ulan mula sa Apayao, Kalinga, Mt. Province at Isabela kabilang na ang pinapakawalang tubig mula sa tatlong gates ng Magat Dam na umaagos patungong Cagayan River.
Kasunod nito ay pinaghahanda ang mga residente lalo na sa mga nasa low lying areas na asahan ang patuloy na pag-apaw ng tubig sa Cagayan river.
Babala ni Azucena, mas maraming ulan ang dala ng supertyphoon Uwan kaya maaari nitong malampasan ang 13.3 meters na lebel ng tubig sa Buntun bridge na naitala noong bagyong Ulysses.
Kaugnay nito ay inaasahang madadagdagan pa ang mga evacuees na unang inilikas sa lalawigan kaugnay sa naranasang bugso ng hangin at malakas na buhos ng ulan ng bagyo kagabi.
Patuloy namang naka-standby ang pitong istasyon ng TFLC upang tugunan ang paglikas sa mga maaapektuhang residente.










