
Mariing itinanggi ng Malacañang na may impluwensiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban sa Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, matagal nang nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ang NBI at may sarili itong mandato na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang banta laban sa Pangulo.
Aniya, hindi dapat kuwestiyunin ang istruktura at independensiya ng ahensya sa pagganap ng tungkulin nito.
Sinabi rin ni Castro na seryosong tinugunan ng Pangulo ang naging pahayag ng Bise Presidente at mahalagang maimbestigahan ang usapin upang matiyak ang seguridad nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, at ng publiko.










