Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kinikilala lamang ng Malacañang ang liderato ni Acting Senate President at Senator Sherwin Gatchalian sa gitna ng umiinit na isyu sa Senado.

Ayon kay Castro, ang ehekutibo ay makikipag-ugnayan lamang sa kasalukuyang liderato ng Senado at hindi kikilala sa ibang paksyon. Binanggit din niya na kinikilala rin umano ng Kamara at Integrated Bar of the Philippines ang nasabing liderato.

Tugon ito sa pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano na kuwestiyonable ang naging pagbabago sa liderato ng Senado at iginiit na may koordinasyon umano sa Malacañang.

Binigyang-diin din ni Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang separation of powers at walang panghihimasok sa usapin ng Senado.

Samantala, tinawag ni Castro na dapat pairalin ang tunay na serbisyo publiko at huwag gamitin ang posisyon para sa sariling interes.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna rito, sinabi ni Senator Jinggoy Estrada na may koordinasyon umano sa ilang kaganapan sa Senado, kabilang ang pagbabago sa liderato.

Patuloy namang umiinit ang banggaan sa pagitan ng mga paksyon sa Senado matapos ang mga isyu sa arrest warrant na may kaugnayan sa flood control scandal.