Kinumpirma ng Malacañang na inupahan ng pamahalaan ang eroplano na ginamit sa pagbiyahe kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands para harapin ang kasong crimes against humanity na inihain laban sa kanya sa International Criminal Court.
Gayunman, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na wala siyang impormasyon kung magkano ang ibinayad sa pag-upa sa nasabing eroplano.
Ipinaliwanag ni Castro na ito ay upang maging kumpleto ang pagtugon sa hininging assistance ng Interpol para madala si Duterte sa ICC.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natanggap ng Interpol Manila ang official copy ng ICC warrant of arrest ilang oras bago ang pagdating ni Duterte sa Manila mula sa Hongkong nitong araw ng Martes.
Ayon kay Marcos, isinagawa ang pag-aresto kay Duterte dahil sa hiniling ito ng Interpol at may commitments ang pamahalaan.
Iginiit din niya na ang pag-aresto ay tama at nararapat, kung saan nasunod ang mga kailangang proseso.