Kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na may alok na bagong posisyon sa gobyerno kay Philippine National Police chief Police General Nicolas Torre III.
Gayunman, tumangging sabihin ni Castro kung ano ang nasabing posisyon.
Unas rito, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may tiwala pa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Torre dahil sa may iniaalok sa kanya na government position, subalit hihintayin na lamang kung ito ay tatanggapin ni Torre.
Matatandaan na tinanggal bilang hepe ng PNP si Torre.
Samantala, binasag ni Torre ang kanyang pananahimik matapos ang biglaang pagtanggal sa kanya sa puwesto, kung saan pinasalamatan niya ang kanyang supporters sa kanyang social media post.
Matapos na hindi dumalo sa turn-over ceremony kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kahapon, nagbahagi ng social media post si Torre mula sa kanyang mga supporter.
Sa kanyang post, mababasa ang mga sumusunod: ” “Sa bawat laban — sa ring man o sa serbisyo — ang tagumpay ay laging para sa taumbayan. Ang lakas at tapang ni Chief Torre ay para sa kapakanan ng bawat Pilipino. Dahil ang tunay na tagumpay ay ang patuloy na paglilingkod sa bayan.”