
Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga paratang ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya umano ang nag-utos ng ₱100-bilyong insertion sa 2025 national budget.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, ang lahat ng binibitawang pahayag ni Co ay walang basehan at pawang haka-haka lamang, lalo’t ang pangulo pa mismo ang nagbulgar ng mga iregularidad sa flood control projects at nagsulong ng mga hakbang para papanagutin ang mga sangkot, mabawi ang nakaw na pondo, at ayusin ang sistema upang hindi na maulit ang katiwalian.
Ipinaliwanag din ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang lahat ng pondong iniuutos ng pangulo ay nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP), na tinatawag pa ngang President’s Budget.
Ang trabaho umano ng bicameral conference committee ay saklaw lamang ng lehislatura at hindi ng ehekutibo kaya walang papel ang pangulo sa sinasabing “budget insertions.”
Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, habang lumiliit ang mundo ni Co dahil sa dami ng alegasyong nakapalibot sa kanya, tila sinusubukan nitong ilihis ang isyu at palabasing siya ang biktima sa pamamagitan ng pagdadawit sa pangulo nang walang patunay.
Paalala ni Castro, kung talagang sangkot si Pangulong Marcos Jr., hindi niya sisimulan ang malalimang imbestigasyon at pagtatatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na siya ring naglilitaw sa mga sangkot.
Hamon naman ng Palasyo si Co na umuwi ng bansa at personal na pagtibayin at sumpaan ang kaniyang salaysay kung totoong nais niyang panindigan ang kanyang pahayag.










