Nagbabala ang Malacañang sa publiko na maging vigilant laban sa fake news tungkol sa P20 per kilo ng bigas na sisimulang ibenta sa Visayas region.
Kasabay nito, ipinakita ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang viral video na nagpapakita sa umano’y hindi magandang kalidad ng bigas na ibinebenta sa halagang P20.
Sinabi ni Castro na mag-ingat sa mga gumagawa ng fake news na ang layunin ay sirain ang proyekto at sinisira din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging ang pag-asa ng bawat Pilipino.
Ayon kay Castro, hindi pa nagsisimula ang pagbebenta ng P20 per kilo na bigas sa Visayas region.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na nadismaya si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa nasabing bigas, kung saan sinabi niya na ito ay pakain sa mga baboy.
Sinabi ni Laurel na tinitiyak nila na ang mga ibebentang mga bigas ay may magandang kalidad.
Ayon sa kanya, araw-araw ay NFA rice ang kanilang niluluto at kinakain sa tanggapan ng Department of Agriculture.