Pinuri ng Malacañang ang boluntaryong pagsuko ni Senador Jinggoy Estrada sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tama ang ginawa ni Sen. Estrada dahil hindi na niya pinahirapan ang mga law enforcer, at inihalintulad ito sa sitwasyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na patuloy na umiiwas sa pag-aresto.

Sinabi ni Castro na “maganda ang ginawa ni Senator Jinggoy na siya ay boluntaryong sumuko” at ito umano ang nararapat na hakbang kapag may umiiral na valid warrant of arrest.

Nauna rito, inisyu ng Sandiganbayan ang warrant of arrest laban kay Sen. Estrada kaugnay ng P573-milyong plunder at graft case na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng flood control scandal.

Giit pa ng Malacañang, hindi dapat iugnay ang kaso ni Estrada sa kanyang pagiging bahagi ng Senate majority bloc at hindi rin ito dapat maging batayan para ipabasura ang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Castro, matagal nang may imbestigasyon sa kaso at nabanggit na ang pangalan ni Estrada sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, gayundin sa mga ulat ng iba’t ibang investigative bodies.

Dagdag ng Palasyo, dapat ipagpatuloy ang kaso at hindi ito dapat maapektuhan ng mga usaping pampulitika o pagbabago sa liderato ng Senado.