Tinawag ng Malacañang na premature ang mga batikos sa ₱4.37 bilyong pondong inilaan sa distrito ni House Majority Leader Sandro Marcos sa Ilocos Norte sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.

Ayon kay Palace spokesperson Claire Castro, hindi nangangahulugang awtomatikong maaaprubahan ang lahat ng panukalang proyekto at pondo na isinumite sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hinimok din ni Castro ang mga kritiko na magpakita ng ebidensiya kung may pondong napunta na sa korupsiyon, at iginiit na bahagi pa lamang ng proseso ang pag-apruba ng Kamara sa panukalang budget.

Binigyang-diin niya na hindi dapat gastusin ang pondo ng bayan sa mga proyektong walang saysay o pakinabang. Sinabi rin niyang hindi pabor ang Pangulo sa mga pondong walang malinaw na detalye at sapat na katwiran.

Batay sa ulat ng People’s Budget Coalition, kabilang sa mga mambabatas na nakakuha ng pinakamalalaking reallocation para sa kani-kanilang distrito ang ilang kaalyado ng Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa naipapasa ng Senado ang bersiyon nito ng 2027 national budget. Pagkatapos nito, inaasahang pag-uusapan sa bicameral conference committee ang pagkakaiba ng mga bersiyon bago isumite sa Pangulo para sa lagda.