Tiniyak ng Malacañang na wala itong nakikitang constitutional crisis sa gitna ng patuloy na sigalot sa liderato ng Senado, habang nananatiling hati ang hanay ng mga senador sa usapin ng pamumuno sa Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang posisyon ng ehekutibo na si Acting Senate President Win Gatchalian ang kinikilala nitong lider ng Senado.

Dagdag pa ni Castro, ang anumang usapin hinggil sa internal na alitan o pagpapatupad ng mga hakbang ng Senado ay saklaw na ng mismong Mataas na Kapulungan at hindi ng ehekutibo.

Giit pa ng Palasyo, hindi na dapat lumala pa ang hidwaan sa liderato at dapat kilalanin na lamang ng kabilang panig ang kasalukuyang liderato.

Patuloy ang pagtatalo ng magkabilang kampo sa Senado kung sino ang lehitimong pinuno ng kapulungan at kung sino ang dapat manguna sa mga opisyal na gawain, kabilang ang usapin ng special session at impeachment trial.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi rin ng Palasyo na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkasundo muna ang mga senador at ayusin ang kanilang hindi pagkakaunawaan bago magsagawa ng anumang pormal na hakbang ang ehekutibo.

Ayon kay Castro, mawawalan ng saysay ang planong special session kung magpapatuloy ang kaguluhan at hindi pagkakaisa sa Senado.

Binigyang-diin ng Malacañang na dapat manaig ang interes ng publiko kaysa personal na interes ng mga mambabatas.

Sa ngayon, patuloy pang pinaplantsa ng Palasyo kung magpapatawag ng special session ang Pangulo.

Una nang iminungkahi ni dating Senate President Franklin Drilon na makialam na ang Pangulo upang maayos ang tensyon sa Senado.