Wala pang natatanggap ang Malacañang na komunikasyon kung may inilabas nang arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald dela Rosa at iba pang umano’y sangkot sa mga krimen na inaakusa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, wala pa silang natanggap na communication para sa warrant of arrest mula sa ICC.
Noong buwan ng Marso, naiulat na siyam na indibidual ang kasama bilang co-perpetrators ni Duterte batay sa application for warrant of arrest na nai-post sa website ng ICC.
Kabilang sa mga ito si Dela Rosa, kung saan tinukoy siya na architect ng “Oplan Tokhang,” na unang ipinatupad sa Davao City noong siya pa ang hepe ng pulisya.
Noong naging hepe siya ng PNP, pinangunahan din niya ang nationwide implementation ng war on drugs sa ilalim ng Duterte administration.
Matatandaan na sinabi ni Dela Rosa na handa siyang magpaaresto kung may ilalabas na warrant of arrest ang ICC laban sa kanya.