
Matapos ang big time oil price hike ngayong linggo, kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau director Atty. Rino Abad na posibleng rollback naman ang aasahan sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Aniya, kung pagbabasehan ang dalawang araw ng trading, bumaba ang presyo kaya may indikasyong bawas-presyo ang aasahan ng mga motorista.
Mula sa 70 dollars kada bariles, bumaba ito 69 dollars ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tigil-putukan ng Israel at Iran.
Sa kabila nito, mayroon pang natitirang tatlong araw ng trading.
Umaasa naman daw silang magtutuluy-tuloy pa ang pagbaba para malakihang rollback din ang ipatupad sa Martes ng susunod na linggo.
Samantala, bukas lalarga na ulit ang ikalawang round ng taas-presyo sa produktong petrolyo.
P1.75 sa kada litro ng gasolina, P2.60 sa diesel, at P2.40 sa kerosene.
Umaapela naman si DOE OIC Secretary Sharon Garin sa mga oil companies na mag re-adjust sa dahil gumaganda na ang trend ng langis.