Kinilala ng Regional Anti-trafficking task force ang malaking papel na ginagampanan ng mga kabataan sa paglaban sa human trafficking.

Sa isinagawang culmination activity ng world against trafficking binigyang diin ni Regional State Prosecutor Rommel Baligod na karamihan sa mga biktima ng human trafficking ay mga kabataan kung kaya’t isinali sa aktibidad ang mga ito para sa layuning wakasan ang mga kaso ng nasabing krimen.

Napag alaman na isa sa highlight ng naturang aktibidad ay ang pagsasagawa ng photography contest na mayroong temang may kinalaman sa paglaban sa trafficking in person.

Ang taunang kaganapang ito ay ginaganap tuwing July 30 at naglalayong itaas ang kamalayan at hikayatin ang pandaigdigang pagkilos upang maiwasan ang nasabing krimen at maprotektahan ang mga biktima.

Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Department of Justice at Department of Social Welfare and Development kung saan binibigyang diin dito ang kritikal na pangangailangan para sa kaukulang suporta para sa batang biktima ng trafficking.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat niya ang publiko at policy makers na pabilisin ang kaukulang hakbang upang mawakasan na ito.

Binigyang diin naman ni DSWD Regional Director Lucia Allan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga kasapi ng Regional inter agency council against trafficking para mapalaganap ang tuluyang pagsugpo sa naturang krimen.

Patuloy aniya na nagsasagawa ang mga ito ng iba’t ibang advocacy campaign upang magbigay ng mga kinakailangang interbensyon sa mga biktimang nakaligtas sa trafficking.