Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga riding-in-tandem suspek na bumaril patay sa isang retiradong pulis kahapon sa Bayan ng Tuao, Cagayan.

Ayon kay PMAJ Jhunjhun Balisi, hepe ng PNP Tuao, kasalukuyang nagpapatrolya ang pulisya kahapon ng makarinig sila ng putok ng baril at nang tunguhin ang harapan ng palengke ay nakita nila ang nakabulagta ng biktima na si Romeo Brillantes na residente ng barangay Bugnay

Nakita aniya ng mga rumesponding mga pulis ang ginawang pamamaril ng mga suspek kayat nakipagbarilan na rin sila ngunit dahil sa dami ng tao ay bigla umanong inilusot ng mga suspek ang kanilang motorsiko sa kumpol ng mga tao kung kayat tumigil ang mga pulis sa pagpapaputok.

Mabilis din aniya silang tumakas kayat hindi natukoy kung saang direksyon sila nagtungo ngunit sa ngayon ay nangangalap ng iba pang impormasyon at mga CCTV Footage ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kung saang direksyon tumakas ang mga suspek.

Isinugod agad sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng baril sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ngunit namatay din habang nilalapatan ng lunas.

-- ADVERTISEMENT --

Narecover din aniya sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng caliber 45 na ginamit ng mga suspek sa pamamaril.