Batanes Governor Marilou Cayco

TUGUEGARAO CITY-Ipinag-utos ni Batanes Governor Marilou Cayco ang malawakang contact tracing kasunod ng pagkakaroon ng unang kumpirmadong kaso ng Covid 19 sa probinsya.

Inihayag ni Cayco na agad na nagkaroon ng pagpupulong ang Provincial COVID 19 Task Force matapos na lumabas ang positibong resulta sa isinagawang swab test sa 29-anyos na pasyente na isang Locally Stranded Individual o LSI na mula sa Sta. Rosa, Laguna.

Sinabi ng gobernador na walang sintomas ang pasyente na nakasailalim sa striktong isolation sa Batanes Resort.

Dagdag pa ng opisyal na lahat ng natukoy na close contacts ng pasyente hanggang sa 2nd level of exposure ay isasailalim sa swab test.

Ayon pa kay Cayco, pansamantala ring sinuspende ang operasyon ng Basco Airport mula Setyembre 30 hanggang October 13 subalit bukas naman ito sa mga eroplano na magkakarga ng mga pasyente at magdadala ng mga Covid 19 specimen sa testing center ng Department of Health o DoH Region 2 dito sa Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Suspendido rin ang mga religious activities at ang operasyon ng mga non-essential business establishments kasabay ng pagpapatupad ng malawakang Covid 19 checkpoints.

Sa katunayan hiniling umano ng Batanes sa National Inter-agency Task Force na isailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang lalawigan.

Matatandaan na napanatili ng Batanes ang pagiging Covid 19 positive free sa loob ng pitong buwan simula nang mayroong magpositibo ng nasabing nakakahawang sakit dito sa lambak Cagayan. with reports from Bombo Marvin CAngcang