Maglulunsad ng panibagong malawakang kilos-protesta kontra korapsyon ang ilang grupo sa paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.

Ayon kay Dr. David San Juan, convenor ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), kasalukuyang isinasapinal ang mga aktibidad para sa isang-araw na rally.

Kabilang sa mga ito ang martsa sa EDSA, protesta sa EDSA Shrine, pagdaraos ng misa, at iba pang programang layong ipakita ang galit ng mamamayan laban sa patuloy na korapsyon sa pamahalaan.

Batay sa mga paunang pagpupulong, inaasahang makikilahok sa protesta ang mga raliyistang sumama sa Trillion Peso March noong Setyembre 21 sa Luneta, gayundin ang mga dumalo sa rally noong Nobyembre 30.

Bagama’t hindi pa tapos ang mga talakayan, inisyal na iminungkahi ng mga organizer ang pagsasagawa ng anti-corruption program sa EDSA Shrine mula alas-dos hanggang alas-kwatro ng hapon sa araw ng anibersaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang aabot sa sampung libong miyembro ng TAMA NA ang dadalo sa rally, bukod pa sa mga kalahok mula sa iba pang grupo.

Giit ni San Juan, layunin ng kilos-protesta na ipaalala na may karapatan at kapangyarihan ang mamamayang Pilipino na kuwestyunin ang gobyerno at panagutin ang mga opisyal na sangkot sa iba’t ibang anyo ng katiwalian, kabilang na ang mga nasangkot sa kontrobersiyal na flood control scandal.