Hinamon ng Alliance of Concerned Teachers ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng malawakang konsultasyon sa mga guro kaugnay ng panukalang pagpapatupad ng trimester system sa basic education para sa School Year 2026–2027.

Ayon kay Ruby Bernardo, National chairperson ng grupo, nararapat lamang na magkaroon ng koordinasyon hindi lamang sa mga principal at iba pang matataas na opisyal ng paaralan, kundi lalo na sa mga guro na magiging forefront ng naturang sistema sakaling ipatupad.

Iginiit ni Bernardo na mahalagang maipaliwanag nang malinaw ang mga teknikal na pagbabagong kaakibat ng panukala, kabilang ang paglipat mula sa apat na grading period tungo sa tatlo, mga adjustment sa mga aralin, teacher guidelines, pagbabago sa grading system, at iba pa.

Dagdag pa niya, dapat ding isaalang-alang ang sapat na panahon para sa paghahanda bago ito tuluyang ipatupad, gayundin ang kakulangan sa mga silid-aralan at sa teaching at non-teaching personnel.

Binigyang-diin ni Bernardo na kailangang matiyak na ang panukala ay tunay na tutugon sa suliranin ng mga guro, partikular sa isyu ng pagiging overworked at overloaded.

-- ADVERTISEMENT --