
Magsasagawa ng malawakang kilos-protesta bukas, Oktube 20, 2025 sa harap ng Kapitolyo ng Nueva Vizcaya sa Bayombong ang mga residente, environmental advocates, at anti-mining groups laban sa isinasagawang exploration o mining activity sa Dupax del Norte.
Ayon kay Florentino Daynos, anti-mining advocate, ang protesta ay nakatuon sa panawagang kalampagin ang pamahalaan hinggil sa umano’y tahimik nitong tindig sa isyung kinahaharap ng mga mamamayan laban sa dayuhang mining corporation na Woggle Corporation.
Umalma ang mga mamamayan matapos matuklasang may exploration permit ang kumpanya para sa 3,101.11 ektaryang lupain na sasakop sa limang barangay sa Dupax del Norte at dalawa pa sa Dupax del Sur.
Ayon sa mga grupo, ang nakuhang permit ay bunga ng maanomalyang proseso kung saan isang simpleng presentasyon noong Agosto 15, 2025 ang ginamit upang papirmahin ang mga residente sa isang dokumentong kalauna’y inangkin bilang patunay ng konsultasyon—kahit wala umanong tunay na konsultasyon na naganap.
Naglatag ng barikada ang mga residente upang hadlangan ang operasyon, ngunit pinalawig noong October 14, 2025 ng Regional Trial Court (RTC) ang Temporary Restraining Order (TRO) na nag-uutos na arestuhin ang sinuman na harangin ang operasyon, bagay na lalong ikinadismaya ng komunidad.
Sa kabila nito, naninindigan ang mga grupo na hindi sila titigil sa paglaban. Nanawagan sila ng imbestigasyon at pananagutan sa mga nasa likod ng pag-apruba ng permit, na anila’y laban sa interes ng mamamayan at kalikasan.