
Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na maraming maling flood control project coordinates ang naitala sa Sumbong sa Pangulo website, na ayon sa kanya ay nagmula sa datos na isinumite ng dating pamunuan ng DPWH noong Agosto.
Ayon kay Dizon, personal niyang naranasan ang problema sa Oriental Mindoro, kung saan pagdating sa mga nakalistang coordinates ay walang makikitang proyekto. Aniya, hindi lamang ito iisang insidente kundi bahagi ng mas malawak na isyu sa datos ng ahensya.
Gayunman, nilinaw ni Dizon na wala pa siyang masasabi kung sinadya o hindi ang pagsusumite ng maling impormasyon ng dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na pinalitan niya noong Setyembre kasunod ng isyung katiwalian sa imprastraktura.
Ang pahayag ni Dizon ay kasunod ng sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo Lacson na may natanggap siyang impormasyon na sinasadya umanong iligaw ang Malacañang sa pamamagitan ng maling coordinates bilang bahagi ng umano’y pagtatakip.
Ipinatawag si Bonoan sa susunod na pagdinig ng Senado, subalit humiling ito ng extension ng pananatili sa Estados Unidos.
Samantala, sinabi ni Dizon na patuloy ang revalidation ng libo-libong flood control at iba pang infrastructure projects ng DPWH. Inamin din niyang ang parehong maling database ay hindi sinasadyang nagamit sa paglulunsad ng DPWH Transparency Portal.
Pinangungunahan ang validation efforts nina Independent Commission for Infrastructure Special Adviser Rodolfo Azurin at DPWH Undersecretary Arthur Bisnar, gamit ang satellite images upang matiyak ang eksaktong lokasyon ng mga proyekto.
Dagdag pa ni Dizon, nakikipagtulungan din ang DPWH sa mga civil society organizations upang mas mapalakas ang pagbabantay sa mga proyekto.








