Nanawagan si Cagayan Governor Manuel Mamba na tapusin na ang problema sa insurhensiya sa lalawigan.
Sa kanyang talumpati, umapela rin siya sa mga sumukong supporters ng New Peoples Army na pumili ng magandang lider na kayang tugunan ang mga social issues na ginagamit ng makakaliwang grupo para makapagrecruit.
Binigyag diin ni Mamba na sinsero ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapasuko sa mga NPA.
Aniya, nakahanda ang Provincial Government na tulungang magbagong buhay ang mga surrenderees gaya ng ginawang pag-empleyo sa kapitolyo sa ilang rebel returnees.
Iginiit niya na kayang-kaya ng Pamahalaang Panlalawigan na mag-employ ng hanggang sa 200 na mga nagbalik loob na NPA.
Dagdag pa niya na lahat ay talo kung magpapatuloy ang armadong pakikibaka.
Samantala, isang ama ang nanawagan sa kanyang dalawang anak na nalinlang ng NPA na bumaba na at magbalik loob sa gubyerno.
Ayon kay Joel Fernandez ng Abariongan Uneg, dalawang taon na ang nakalipas mula nang huli niyang makita at makausap ang dalawang anak na umanib sa makakaliwang grupo.
Matanda at hirap na rin umano siya na itaguyod ang pangangailangan lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga apo na iniwan ng kanyang dalawang anak.
Tiniyak naman ni Gov. Mamba na maipagkakaloob ang tulong sa mga ito kung magbalik loob sa pamahalaan sa ilalim ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Kanina ay umabot sa 150 na miyenbro ng militia ng bayan mula sa Zinundungan Valley sa bayan ng Rizal at Brgy Abariogan Uneg, Balagan at Calassitan sa Sto. Ñino ang sumuko at naghayag ng kanilang pagtalikod sa mga makakaliwang grupo.
Sinunog din ng mga ito ang bandila ng CPP-NPA bilang tanda ng pagkalas ng suporta sa mga rebeldeng grupo at pagbabalik loob naman sa pamahaan.