Patay ang isang mambabatas sa kanyang tahanan sa Paraguay matapos na makipagbarilin sa drug enforcement agents na naghahanap sa kanyang anak.
Ayon kay police chief Carlos Benitez, pinapatukan ang mga otoridad mula sa tahanan ni Eulalio Gomes kaya gumanti ng putok ang mga otoridad.
Tinamaan ang mambabatas na 67 anyos, miyembro ng conservative Colorado party.
Sinabi ni Benitez na target ng operasyon ang anak ng mambabatas na si Alexandre na may warrant of arrest dahil sa pinaghihinalaang sangkot sa money laundering mula sa drug trafficking at criminal association.
May isinampa ring kaso laban kay Gomes, subalit hindi kasama sa operasyon ang pag-aresto sa kanya dahil mayroon siyang parliamentary protection.
Kasunod nito ay sumuko ang anak ni Gomes.
Ang Paraguay ay nahaharap sa problema sa korupsion at mga krimen na may kaugnayan sa illegal drugs.