
Kinuwestiyon ng kampo ni Manases “Mans” Carpio, asawa ni vice president sara duterte ang paraan ng paghawak ng mga mambabatas sa ulat ng Anti-Money Laundering Council na inilabas sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng impeachment complaints laban kay vice Presidente Sara Duterte.
Ayon kay atty. Neil Abayon, hindi nabigyan ng due process si Carpio dahil ibinunyag umano ang kanyang personal na financial records nang walang abiso at pagkakataong makapagpaliwanag. Iginiit niyang hindi man lamang inimbitahan o inabisuhan si Carpio sa naturang pagdinig.
Pinabulaanan din ng kampo ang mga ulat na umaabot sa bilyon ang pera ni Carpio, at sinabing may mga pagkakamali sa datos, kabilang ang isang transaksyon na umano’y P2 milyon lamang ngunit naitala bilang P2 bilyon bago ito naitama. Posible rin umanong lumaki ang halaga dahil sa paraan ng pag-total ng inflow at outflow sa ulat.
Nauna nang sinabi ng Bank of the Philippine Islands na hindi ito naglalabas ng impormasyon ng kliyente maliban kung kinakailangan ng batas, at sumusunod ito sa mga regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Lumabas din sa ulat na may ilang datos na binawi dahil sa umano’y system error.
Samantala, sinabi ni Kinatawan ng Belle Zamora na nakumbinsi ng AMLC report ang ilang mambabatas na suportahan ang impeachment, at naniniwala siyang makakamit ang kinakailangang boto sa Kamara para umusad ang proseso.









