TUGUEGARAO CITY-Huli sa entrapment operation ng kapulisan ang isang manggagawa na nangikil sa dalawang katutubo na nag-a-apply sa pagiging pulis.

Ayon kay Police lt. Isabelita Gano ng PNP-Tuguegarao ,nilapitan umano ng suspek na si Pilar Petchon 29-anyos ng Masikal, Baggao ang dalawang biktima na sina Allein Rey Sabugo, 28-ayos , residente ng San Andres Villa Real ,Samar at Arnel Podot 24-anyos, residente ng Barangay Pawing, Palo, Leyte nang makitang problemado ang mga ito sa kanilang height waiver dahil hindi sila pasado sa tangkad na itinakda para sa pagkapulis.

Aniya, nangako umano ang suspek na tutulungan ang mga ito sakanilang waiver kung saan kanyang sinabi na konektado siya sa National Commission on Indigenous Peoples.

Ngunit , sinabi umano ng suspek na kailangang magbigay ang mga biktima ng tig- P30,000 bilang kabayaran ng kanilang certificate.

Nabatid na nagkakilala ang mga biktima at ang suspek sa Leyte kung saan nag-a-apply ang mga ito at nataon naman na doon nagtatrabaho ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa kagustuhang makapasok sa pagkapulis, nagpadala ang mga biktima sa suspek na noon ay nandito na sa probinsiya ng Cagayan ng tig-P27,500 bilang paunang bayad.

Makalipas ng ilang buwan ay muling kinontak ng mga biktima ang suspek dahil hindi pa natatanggap ang kanilang certificate.

Sinabihan naman umano ng suspek ang dalawang biktima na magtungo sa Rehiyon Dos partikular sa lungsod ng Tuguegarao ,para dito na ibigay ang kanilang certificate at ibibigay narin ang kanilang kulang na bayad sa suspek.

Ngunit, bago nakipagkita, lumapit umano ang dalawang biktima sa NCIP Region 2 para kumpirmahin kung totoong konektado ang suspek sa nasabing tanggapan at dito napag-alaman na niloloko lamang sila.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang mga biktima kasama ang mga opisyal ng NCIP sa kapulisan na dahilan ng pagkahuli ng suspek.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong estafa ang suspek habang tinulungan naman ng NCIP ang dalawang biktima para makauwi sakanilang lugar.