Makakatanggap ng karagdagang 30% sa kanilang batayang sahod ang mga empleyadong pumasok sa trabaho ngayong Hulyo 27, 2025, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay bilang pagtalima sa Labor Advisory No. 09, Series of 2025, kasunod ng deklarasyon ng Hulyo 27 bilang special non-working day sa buong bansa para sa paggunita ng anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo, batay sa Proclamation No. 729 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Makakatanggap rin ng dagdag na bayad ang mga empleyadong mag-o-overtime — may karagdagang 30% ng hourly rate.
Samantala, kung natapat ang araw sa kanilang rest day at pumasok sila, makakatanggap sila ng 150% ng kanilang regular na sahod, bukod pa sa 30% dagdag para sa overtime.
Pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na sundin ang mga itinakdang patakaran sa pasahod para sa mga manggagawang nagtrabaho ngayong special holiday.