Nasa stable condition na ang isang mangingisda na 46 na araw na nagpalutang-lutang sa dagat sa nasasakupan ng Batanes na nailigtas ng Philippine Coast Guard kahapon.

Sinabi ni Ensign Myles John Palisoc ng PCG Batanes, inaasikaso na si Robin Dejillo ng Infanta, Quezon ng mga health workers sa Batanes General Hospital dahil sa mahinang-mahina na siya ng makita PCG sa kanyang bangka.

Ayon kay Palisoc, nagsasagawa ng seaborne patrol ang PCG sa bahagi ng Itbayat at Basco, Batanes nang makita ang isang bangka.

Nang lapitan nila ang bangka ay nakita ang mangingisda na mahinang-mahina at halos hindi makapagsalita.

Agad nila itong pinainom ng konting tubig bago dinala sa ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Naubusan umano ng gasolina ang kanyang bangka kaya siya nagpalutang-lutang haggang sa makarating sa kagatan ng Batanes.

Sinabi pa ng mangingisda na tubig-ulan, coconut water at mga isda umano ang kanyang ininum at kinain habang siya ay nasa gitna ng dagat.

Sinabi pa niya na nakatakdang dumating sa Batanes ang misis ng mangingisda bukas.

Idinagdag pa ni Palisoc na posibleng air ambulance ang susundo kay Dehillo kung ligtas na siyang bumiyahe pabalik ng Infanta, Quezon.

Matatandaan na iniulat ng pamilya na nawawala si Dejillo noong August 4.