Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang isang mangingisda na nawawala habang nangingisda, kaninang umaga sa bayan ng Baggao.

Kinilala ang biktima na si Ariel Agustin, 31-anyos at residente sa Barangay Imurung.

Ayon kay Mayor Joan Dunuan, pumunta ang biktima sa Imurung river upang mamingwit kasama ang dalawang iba pa subalit hindi na nakaahon pa nang lumusong sa ilog.

Samantala, 10 pamilya na kinabibilangan ng 46 indibidwal ang nananatili sa Barangay Hall na inilikas sa Barangay Asassi dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa ilog.

Epektibo sa araw ng Lunes, November 11, ililipat ang nasa mahigit isang daang mag-aaral ng Masisit Elementary School na nasa paanan ng bundok sa Assassi Elementary School dahil sa banta ng landslide batay na rin sa naging rekomendasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

-- ADVERTISEMENT --

Isasailalim rin ang lugar sa 1-billion tree planting program ng LGU na na-convert bilang taniman ng mais.

Muli ring nagpaalala ang alkalde na makinig sa mga paabiso ng lokal na pamahalaan na huwag munang mangisda o lumusong sa mga ilog.

Nananatiling suspendido ang klase sa lahat ng antas at trabaho sa bayan ng Baggao.