Nasa biyahe na pabalik ng General Santos City ang isang mangingisda na limang araw na nagpalutang-lutang sa dagat matapos itong nahila ng malaking isda na kanyang nahuli bago nasagip ng Singaporean carrier sa karagatang sakop ng Davao Oriental.
Ayon kay Coast Guard Ensign Jessa Paulin Villegas, tagapagsalita ng Coast Guard District North Eastern Luzon na nitong Linggo, September 3 ay matagumpay na naihatid ng Singaporean carrier na MV Maxwell ang mangingisdang si Julius Talaid na sinalubong ng rescue team ng PCG sa Veterans Wharf sa Aparri, Cagayan.
Sakay ng isang maliit na fishing boat ay nangisda si Talaid malapit sa kanilang mother boat noong August 12 sa Davao subalit noong August 23 ay nakahuli siya ng nasa tinatayang 300 kilo ng hindi matukoy na uri ng isda gamit ang bingwit na humila sa kanya papalayo.
Maswerte namang nakita ng Singaporean Flagged Carrier na galing ng Australia at naglalayag patungong China ang na nakakapit sa kanyang nakataob na bangka sa karagatang sakop ng Mati, Davao Oriental o malapit sa Pacific ocean noong August 28.
Base sa dokumento at ruta ng barko, dadaan ito sa Luzon Strait at Babuyan Channel kung kaya sa karagatang sakop ng Aparri, Cagayan nila ibinaba si Talaid.
Sinabi ni Villegas na agad ipinasuri sa doctor ang mangingisda dahil sa panghihina bago ito bumiyahe patungong Maynila noong Linggo.