Patay na nang matagpuan ang isang mangingisda na dalawang araw na napaulat na nawawala matapos pumalaot sa bayan ng Sta Ana sa kabila ng masungit na panahon na dulot ng bagyong Julian.
Kinilala ang nasawi sa pangalang Arturo, 57-anyos, walang asawa at residente ng Brgy Diora-Zinungan sa naturang bayan.
Ayon kay PMaj Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta-Ana, October 3 ngayong taon ng nagpumilit na pumalaot ang biktima sakay ng lampitaw subalit dahil sa matataas na alon na dulot ng bagyo ay nasira ang kanyang bangka.
Nakita pa aniya ito ng kanyang kasamahang mangingisda na sinubukang lumangoy sa pampang subalit bigla itong nawala hanggang sa nakita ang katawan nitong palutang-lutang sa dagat na malapit sa kanilang lugar.
Dagdag pa ni Gabatin na hindi pa bloated ang bangkay ng marekober na posibleng bago lamang nasawi.