Ikinasa na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang manhunt operation laban kay dating spokesperson Harry Roque kasunod ng ulat na nagtatago ito sa Mindanao.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, nakatanggap sila ng report na sa Mindanao nagtatago si Roque dahil marami itong kaibigan sa lugar.
Gayunman, pinaalalahanan ni Fajardo ang mga nagkakanlong kay Roque na posibleng makasuhan ng obstruction of justice dahil sa pagtatago ng wanted na indibiduwal.
Una nang tinungo ng PNP ang Central Luzon at Calabarzon subalit hindi natagpuan si Roque.
Naniniwala si Fajardo na nasa bansa pa rin si Roque batay sa record ng Bureau of Immigration (BI) bagama’t nakaalis na ng bansa noong Setyembre 3 ang misis nitong si Mylah na dating miyembro ng Board of Trustees ng Home Development Fund (Pag-Ibig).
Naglabas ng arrest order ang Quad Committee laban sa mag-asawang Roque matapos na hindi siputin ang pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.