(c) One Enrile News and Events

Aabot sa P1.9 milyong halaga ng ‘dressed chicken’ ang patuloy na ipinamamahagi ni Mayor Miguel Decena sa mga residente ng Enrile, Cagayan bilang tulong para sa kampanya ng pamahalaan na labanan ang COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng Bombo Radyo, tiniyak ni Decena na mabibigyan lahat ang 9,000 household ng tig-isang manok na galing sa negosyo ng kanyang pamilya na MBD poultry.

Itoy upang makakain lahat ng mga residente na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Aniya, limitado lamang kasi sa mga pamilyang kabilang sa “poorest of the poor” ang nabibigyan ng relief goods mula sa calamity fund ng bawat Barangay at LGU dahil maliit pa lamang ang kanilang share mula sa Internal Revenue Allotment.

Bukod sa relief packs ng Barangay, nasa 8,500 sako ng bigas o katumbas ng 5 kilo bawat pamilya naman ang patuloy na ipinapamahagi ng LGU.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Decena, nagamit lahat ang kanilang calamity fund sa nangyaring malawakang pagbaha noong Disyembre nang nakaraang taon.